Ang dream job ni bunso

By

Dear Kuya Rom,

Ang Mommy ko ay maagang nabalo. Ako ang pa­nganay niyang anak. Nagtrabaho ako sa ibang bansa para hindi mahirapan si Mommy at makapag-aral si bunso. Naka-graduate siya ng college, at walong buwang nagtrabaho sa isang company. Pagkatapos, tinamad na siya. Panay lang ang laro niya ng video games.

Okay lang kay Mommy na nasa bahay lang si bunso dahil regular na nagpapadala ako ng pera sa kanya. May pension si Mommy at dagdag na tulong ang bigay ko sa kanya.

Kaso, ako at ang boyfriend ko ay malapit nang ikasal. Tumitingin na kami ng house and lot na mabibili. For sure, magkakaroon ako ng sariling pamilya, bubukod kami, at iiwanan si Mommy at ang kapatid ko. Kaya ipinasok ko si bunso sa isang kompanya. Ang problema, hindi niya type ang trabaho. Hindi raw ito ang kanyang dream job.

Si Mommy ay umiiyak nang sabihin ko sa kanya na ikakasal na ako, mapuputol ang sustento ko sa kanya dahil mag-iipon ako ng pambili ng sariling house and lot. Sinabi kong uuwi na ako sa Maynila para tulungan ang mister ko sa kanyang negosyo.

Sabi ni Mommy, makasarili daw ako. Paano na raw siya at si bunso? Hindi raw sila mabubuhay kung wala akong sustento sa kanila. Dahil dito, hindi sila sang-ayon sa kasal ko. Nawala na ang pagmamahal, at naputol na ang pag-uusap. Kuya, nai-stress ako.

Anong gagawin ko? — Erlie

Dear Erlie,

Tanungin mo ang boyfriend mo kung okay sa kanya na patuloy mong sustentuhan ang Mommy mo. Kung hindi siya sang-ayon, tanggapin mo ito ng maluwag sa iyong puso.

Sanayin mo ang iyong ­sarili na magpasakop sa kanya at igalang ang ­kanyang ­desisyon.

Kung sang-ayon siya, pasalamatan mo siya sa kanyang suporta at pang-unawa.

Binigla mo si Mommy, kaya siya nagtatampo. Kausapin mo siyang muli, at sabihin mo sa kanya ang napag-usapan ninyo ng boyfriend mo.

Ituloy ninyong dalawa ang paghahanap ng house and lot. Piliin ninyo ang halaga nito na abot sa ­budget at makakaya ninyo. Ipakita mo ang halagang ihuhulog ninyo buwan-buwan kay Mommy, para ­maunawaan niya kayo.

Kausapin mo rin si bunso. Ipaunawa mo sa ­kanya na mahalaga sa tao ang magsikap para ­maging ­maginhawa ang buhay. Ipabasa mo sa kanya ang gabay ng Biblia:

“Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo” (Kawikaan 21:25). “…huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho” (2 Tesalonica 3:10). “Ang… masipag ay ­la­ging sagana sa pagkain, ngunit ang walang sapat na pang-unawa ay nagsasayang ng oras sa mga walang kabuluhang gawain” (Kawikaan 12:11).

“Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman” (Kawikaan 10:4).

Erlie, nawa’y makaunawa ang kapatid mo at siya ay magbago. Mabuting magtrabaho siyang muli at ­maging masipag. Ito ang magiging daan upang makamit ang ­inaasam niyang dream job. May God bless you all!

Payong kapatid,
Kuya Rom


SHARE
Previous articlePSALM 100:3
Next articleANGEL, NAPAKABAIT KAY BELA