Amilyar at titulo ng lupa

By

Dear Atty. Claire,

Tanong ko lang po paano ang pagpapatitulo ng lupa na may titulo na.

Nabili ko po ang kalahati ng lupa’t bahay ng aming kapitbahay na kanyang ­ibinenta.

Pero nu’ng ibinenta po ang kalahati ng lupa’t bahay ay walang ipinakita o binigay na dokumento­ sa amilyar sa lupa at sa bahay.

Binili ko po ito ng partial payment at natapos sa loob ng 1 taon ang pagbabayad at mayroon na pong Deed of Absolute Sale.

Nais ko na po makuha ang kalahati ng titulo ng bahay at lupa na aking nabili.
Paano po ang pro­seso na legal?

At kung wala po silang maibigay na dokumento para sa amilyar, ano ang dapat kong gawin para makuha ko ang titulo na hanggang ngayon ay nasa kanila pa.

Salamat po,
Reymando

***

Mr. Reymando,

Sana lamang po ay pinasuri ninyo muna ang record sa Assessor’s Office para malaman kung may utang pa o wala tungkol sa amil­yar.

Alamin kung may utang ba o wala dahil baka naman napasubasta na dahil hindi naka­kabayad sa amilyar.

Kapag napasuri na ay malalaman mo kung may dapat pang bayaran. Kung walang utang na amilyar ay humingi ka ng Certificate tungkol sa walang anumang kulang na bayarin.

Kung may naiwang utang ay pabayaran ninyo sa may-ari ito at kung ayaw nang bayaran dahil fully paid na kayo sa kanila ay dapat mong bayaran na ito para mailipat mo nang tuluyan ang titulo sa pangalan mo.

Maliban diyan ay dapat din bayaran ang capital gains tax sa BIR na dapat sana ay ang seller ang magbabayad.

Sana lamang ay hindi ninyo­ kaagad binayaran nang buo at iniwan ang pambayad­ ng lahat ng taxes­ na babayaran sana ng ­seller upang masigurado ninyo na mababayaran nila ang kanilang obligasyon.

Matapos mabayaran lahat ang taxes at fees ay maaari nang dalhin ang dokumento at titulo sa Register of Deeds na may sakop sa lupa.

Kapag may titulo na sa pangalan mo ay dalhin na lahat ng dokumento­ sa Assessor’s Office upang mailipat din sa pangalan mo ang Real Property Tax Declaration ng bahay at lupa.

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.