Amanda sexy at fresh na fresh pa rin

Ayaw na sa showbiz

By

WHAT a small world! Habang nakatayo kami sa labas ng Los Angeles Theater sa Broadway Street sa downtown Los Angeles, California (ang venue ng Mr. & Mrs. A concert ng mag-asawang Ogie at Regine (Velasquez) Alcasid) noong Sunday, may nakita kaming familiar face.

“Amanda!” ang medy­o alanganin pang bati namin sa babaeng nakita namin. Hindi kasi kami sure kung si Amanda Page ba ‘yon.

Sa mga hindi na matandaan si Amanda, siya ‘yung dating sexy star na contract star ng Viva Films at nakilala noon dahil sa dialogue niyang hindi siya na-‘hurt’ ni Aga Muhlach.

Kilala rin siya sa galing magsa­yaw noong prime ng kanyang showbiz career.

Sa may Ventura county­ raw siya nakatira ngayon na malapit lang sa L.A. at may asawa na siya na kasama niya that night sa concert, si Lee Mendiola, at may isa na silang anak, si Mason, na 4 ½ years old na.

Very proud nga si Amanda sa only son nila ng kanyang mister at ipi­nakita pa niya sa amin ang picture ng napakaguwapo niyang anak!

Umuwi nga pala kamakailan sa Pilipinas si Amanda, kaya marami ang nag-akalang magbabalik siya sa pag-aartista, pero sabi niya, bakasyon lang daw ang ipinunta niya sa atin at hindi na rin daw siya mag-aartista pa.

Anyway, parang hindi naman tumanda si Amanda at fresh na fresh pa rin ang kanyang beauty!

Regine lalong tumaas ang boses

NAGPUNTA naman kami sa backstage ng nasabing concert at dinatnan namin doon si Regine na nagme-make-up.

Kahit may kasamang make-up cum hair stylist ang Asia’s Songbird, sanay talaga siya na siya mismo ang nagme-make-up sa sarili. Bale ‘yung kasama niya, tangin­g buhok na lang ang ginagawa sa kanya.

Nang makita kami ni Regine, saglit siyang tumigil sa pagme-make-up at tinanong kung saan kami galing at nakatutuwa raw na manonood kami ng L.A. concert nila ni Ogie.

Binanggit nga pala namin kay Regine na sa naunang 4 shows nila ni Ogie, maraming nakapansin na mas tumaas pa ang kanyang boses. Parang bumalik nga raw ‘yung tindi ng power ng boses ni Regine noong dalaga pa siya.

Samantala, kinongratulate rin namin si Regine dahil ‘yung 5 shows nila around the U.S.A. ay sold-out lahat at very thankful nga raw siya dahil walang sawa sa pagsuporta ang fans sa kanilang mag-asawa!

Nang si Ogie naman ang makatsikahan namin, sinabing sa rami ng mga taong nanonood ng kanilang shows, lalo raw silang ginaganahang mag-asawa.

Sabi namin kay Ogie, malaking tulong din na ga­ling sila ni Regine sa magkaibang TV networks.

Ang audience kasi ng 5 shows nila sa U.S.A. ay maghalong ABS-CBN at GMA 7 fans!

Liz Uy no-show sa kasal ni Anne-Erwan

MAY isang kakilala kami na nakita sa L.A. ang stylish na si Liz Uy. Nagtaka ang taong ito kung bakit wala si Liz sa kasal nina Anne Curtis at Erwan Heussaff sa New Zealand dahil sobra siyang close sa bride?

Ang kapatid naman daw ni Liz na si Laureen Uy ay nasa kasal nina Anne at Erwan. Pero sinilip naman namin ang Instagram account ni Liz at nakita namin na nag-post naman siya ng picture ni Anne na naka-wedding gown at may caption ‘yon na, “I couldn’t be happier seeing you in that beautiful wedding dress @annecurtissmith Congratulations #thewanforanne Wishing you both never-ending love and a happy family life! I am there in love and in spirit.”

So, sa IG post na ‘yon ni Liz, lumalabas na wala naman silang problema ni Anne at hindi nga lang talaga siya nakapunta sa wedding nito.