“Hindi kami love team!” -- Alessandra

Alessandra, lumalayo na kay Empoy

By

HINDI lang si Bela Padilla ang young actress na nagbe-venture na rin into scriptwriting. Si Alessandra de Rossi ang sumulat ng bago niyang pelikula, ang ‘12’ na prodyus ng Viva Films.

Maiisip talagang follow-up ni Alessandra sa box-office hit movie nila ni Empoy Marquez na Kita Kita ang pelikula, pero, nilinaw ni Alex na wala raw talagang kinalaman sa Kita Kita ang 12 lalo at mas una na niya itong naisulat at hindi rin ito comedy love story.

Ang termino niya, “It’s a dram-rom.” Drama-romance.

Nahiya raw si Alex kay Boss Vic del Rosario dahil una, baka hanapin nito ang Kita Kita sa 12, kaya sinabi raw niya talagang ibang-iba ang sinulat niya at sey niya, “inding-indie” talaga.

Pero malakas ang pananalig ni Boss Vic sa kuwento ni Alex at sa team-up nila ni Ivan Padilla kaya masasabing sinugalan talaga ito at ipalalabas na nga sa mga sinehan sa November 8.

Wala raw nagbago kay Alex sa kung paano niya nakikita ang sarili after ng success ng Kita Kita.

“Ang nagbago ‘yung mga tao sa paligid ko. Na Alex dapat ganito, Alex dapat ganiyan. So, huwag niyong ipasok sana sa utak ko na ganun.”

At hindi rin naman daw sila loveteam ni Empoy kaya hindi dapat pagtakhan kung iba ang leading man niya ngayon. Pero ayon din kay Alex, marami naman daw naka-line-up na projects sa kanilang dalawa ni Empoy.

“Sobrang excited din akong gawin ‘yun. Pero siyempre, may sarili rin naman akong buhay. At hindi rin naman kami loveteam na parang kapag gumawa ka ng project without him, wala nang kuwenta ang project niyo.

“May fans ba kaming ganun na magagalit kung hindi kami ang magkasama? Hahaha!”

Paolo Ballesteros, game sa indecent proposal

Paolo Ballesteros

SA tatlong ‘Lolas’ na sina Paolo Ballesteros, Wally Bayola at Jose Manalo ng morning talk show na napapanood sa GMA-7 tuwing 11:30 A.M. na The Lolas’s Beautiful Show, si Paolo ang masasabing may social media life at aktibo rin dito.

Walang problema sina Wally at Jose kung paano poprotektahan ang sarili nila sa social media bilang wala nga sila at hindi aktibo. Pero si Paolo, paano niya nagagawang i-shield ang sarili sa mga puwedeng mangyari sa social media, including haters, bashers and scandal.

Eh, ‘yun pala, may death threat pang natatanggap si Paolo. Hindi raw niya alam kung bakit.

“Hindi ko alam.  Pati ‘yung mga friends ko, mine-message sila, tinu-tweet. Naku, ‘wag niyong isasama si Paolo. Parang nagpi-pretend na mga fans.”

Ano ang hugot sa kanya nu’ng nagpapadala ng death threat?

“Lumalabas lang ‘yun kapag meron akong international news,” sey niya.

So, inggit pala sa kanya?

“Parang ganu’n… matagal na ‘yun, e.”

Wala rin naman daw siyang ideya kung sino man ang taong ito. Pero alam daw niyang hindi isang fan at nagpapanggap lang.

“Nagpi-pretend siya na fan. Kasi kapag talagang fan ko, alam nila na halimbawa, may nang-aaway, papatulan nila. Alam nila na ayoko ng ganu’n.”

Hindi raw talaga pumapatol si Paolo sa bashers. Ibang usapan na lang kung tungkol sa ibang bagay ang ‘papatulan’ niya.

Eh, kung indecent proposal?

“Tingnan ko muna ang picture,” natawang sagot niya.