Airline passengers protection pinamamadali

By

Kasunod ng maling pagtrato ng mga airline companies sa kanilang mga pasahero kabilang na ang kontrobersiyal na pagkaladkad palabas ng eroplano sa isang doktor ng United Airlines, hinimok ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., ang Kamara na ipasa na ang passenger rights bill na poprotekta sa karapatan ng mga air passengers.

Ayon kay Teves na miyembro ng House Committee on Public Order and Safety, iko-co-author nito ang panukala na magi­ging mandatory ang pagkakaroon ng instructional­ manuals o films sa mga eroplano na nagdedetalye ng rights and responsibilities ng mga pasahero.

Ani Teves, hindi dapat mangyari sa Pilipinas ang kinasapitan ng biktimang si Dr. David Dao na ­kitang-kitang duguan ang mukha matapos sapilitang pababain sa overbooked na air flight.

Sa kasalukuyan ay may 7 panukala para sa air passenger rights protection ang nakabinbin sa Kamara at hiniling ni Teves kay House Speaker Pantaleon Alvarez na isama rin ito sa mga panukala na bibigyang prayoridad ng House leadership.

Sa ngayon ay tanging Administrative Order na inisyu ng Department of Transportation at Department of Trade and Industry ang nagdedetalye ng bill of rights ng mga air passengers at ng mga airline suba­lit aminado si Teves na marami sa nakasaad dito ang hindi nasusunod partikular na ang overbooking incidents, cancellation/flight delays at pagkawala ng mga bagahe.

Giit pa ng mambabatas na mahalagang alam ng mga pasahero ang kanilang karapatan gayundin ang obligasyon ng mga airline carrier sa kanilang pasahero.