Abot-kamay na!

By
224

Tinanggal man sa Philippine National Police (PNP) ang powers sa giyera kontra ilegal na droga ay hindi ito naghatid ng negatibong epekto sa ­hangarin ng Quezon City Police District na ­iligtas ang lungsod mula sa panganib na hatid ng ilegal na droga.

Ito ay matapos na madagdagan na naman ng 10 ang mga barangay sa Quezon City na idineklarang drug-cleared.

Kaya sa kabuuan, iniulat ni QC Police District Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na aabot na ng 19 ang mga barangay sa lungsod na drug-cleared batay na rin sa deklarasyon ng Quezon City Anti-Illegal Drugs Abuse and Advisory Council (QCADAAC).

Indikasyon ito na pasado ang 19 barangay sa ­panuntunan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ­para madeklarang drug-cleared.

Pinagbatayan din ng QCADAAC ang rekisito na inilatag ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasama na ang: aktibong Barangay Anti-­Drug Abuse Council (BADAC); pagkakaroon ng ­Ugnayan ng Barangay at mga Simabahan o UBAS partnership; at mga mekanismo ng Mamamayan Ayaw sa Anomalya, Mamamayan Ayaw sa Iligal na Droga o (MASA MASID).

Kabilang sa mga bagong lugar na idineklarang drug-cleared ay ang: Barangay Maharlika, Barangay Phil-Am, Barangay New Era, Barangay Novaliches Proper, Brgy. Capri, Brgy. Greater Lagro, Brgy. Greater­ Fairview, Brgy. Teachers Village East, Brgy. Paligsahan at Brgy. Laging Handa.

Gayunman, sinabi ni Director Eleazar na ang ­nasabing mga lugar kasama ang siyam na naunang barangay na idineklarang drug-cleared ay sasailalim pa rin sa evaluation at assessment tuwing tatlong ­buwan para matukoy kung may mga presensiya ng drug personality.

Ito ang tinatawag na pagmamantine para matiyak na hindi na muling tatamaan ng ilegal na droga ang lugar at hindi maibabalik sa kategoryang “drug-­infected”.

Pero ano nga ba ang masasabing impact ng deklarasyong ito sa laban ng gobyerno kontra iligal na droga?

Dahil one-fourth ng populasyon sa Metro Manila ay nakatira sa Quezon City, at one-third ng nasasaklaw na lupain ng Kalakhang Maynila ay sakop ng ­Quezon City, masasabing malaki ang natamong accomplishment ng QCPD.

Ngayon, masasabi na ngang nagbubunga nang positibo ang mga operasyon na ikinasa ng QCPD sa lungsod.

Pero bukod sa mga operasyon, naging susi rin sa progresong ito ang presensya ni Eleazar sa bawat ­barangay sa lungsod kaya maraming krimen ang agad na nareresolba.

Higit sa lahat ay malaking bagay rin ang teamwork ng kapulisan at mga barangay kaya nanalo sila sa drug war at hindi malayong magresulta ito ng mas mapayapang komunidad.