Abella reyna ng All-Women marathon

By

Nagkampeon ang tubong Pusok, Lapu-Lapu City na si Lizane Abella sa kahahagibis lang na hagaran na isinaayos ng mag­ktropang Think Tank at Cebu Ultra Runners Club na para lang sa mga kababaihan.

Isang primera-segunda-terserang pagtawid sa meta ng grupong Spectrum Runners Club ang kuwento sa 50-kilometer 6th All-Women Ultrama­rathon na pinanguna­han ng 28-anyos at bagong record holder na si Abella sa tyempong 4 hours, 30 minutes, 32 seconds.

Sinundan siya ng mga kakuwadrang si 2015 champion Sandra Soliano (4:41:12) at ang nasipa sa tronong si Preciosa Sanchez (4:59:01).

Swak sa top five winners sina Omega Pro Tri Team bet Jun Marq Ocana (5:05:49) at Jennifer Red Sabela ng Cagayan de Oro (5:07:37).

Bumagtas ang ruta sa Cebu, Manadaue at Lapu-Lapu, umalis saka bumalik sa II Coro Grounds, South Road Properties, Cebu City.

Kinumpleto ang Ma­gic 10 nina Rona Lacanlale ng Paksit Runners, Mari Marivic ng Team CCPO, Wilma Theresa Lugay ng Oval Runners, Janice Gabalos ng Team Heaven at Rhoda Oporto ng Paksit Runners.

Participant at finisher dito ang kauna-unahang Pinay na nakatapos sa 216-km world’s toughest running challenge Badwater Ultramarathon sa US na si Tess Leono.