3 HIGH VALUE TARGET TODAS SA QC ENCOUNTER!

By

Naging madugo ang pagsisilbi ng search warrant ng pinagsanib na ope­ratiba ng Quezon City Police District (QCPD) at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office (PRO 2) sa isa umanong high value target at dalawa pang kasamahan nang maki­pagbarilan kung saan isa sa mga operatiba ay nasapol din subalit nailigtas ng suot na bullet proof vest sa engkwentrong nangyari kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Ayon kay QCPD Director Chief/Supt. Guil­lermo Lorenzo Eleazar, na agad dumating sa crime scene, nakilala ang dala­wa sa tatlong nasawing suspek at umano’y lider ng grupo na si Johnny De Leon y Vispo, 45, at Arnold Manipon, 61, na pansamantalang nakatira sa No.15, Unit H, Road 1, Brgy. Pagasa, ang itinuturing na high value target ng Santiago City, Isabela, habang patuloy pang ina­alam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kasamahan ng mga ito.

Sinabi ni Eleazar, na nangyari ang engkwentro dakong alas-5:18 ng madaling-araw sa pagitan ng grupo ng nasawing suspek na si De Leon at mga ope­ratiba ng District Special Operation Unit (DSOU).

Magsisilbi umano ng search warrant kaugnay sa Illegal Possession of Firearms ang mga operatiba ng DSOU sa pangu­nguna ng hepe nito na si P/Supt. Rogarth Campo, na inisyu ni Exec. Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng NCR-RTC Branch 89 QC laban kay De Leon at iba pang mga nakatira sa nasabing numero ng bahay nang bulagain ang tropa ng ali­ngawngaw ng putok mula sa tinitirhang bahay ni De Leon kung saan nasapol sa dibdib si PO1 Kenneth Lladoc ng QCPD, subalit dahil nakasuot ito ng bullet proof vest kaya’t masu­werte itong nakaligtas.

Sa puntong ito ay hindi na nag-aksaya ng oras ang mga operatiba at nakipagbakbakan sa mga suspek hanggang sa tuluyang bumulagta ang mga ito.

Lumilitaw sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad na si De Leon at mga kasama ay pawang sangkot din umano sa ilegal na droga at supplier umano ng shabu sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino Pro­vince, Cagayan at Nueva Viscaya, subalit sa Quezon City umano nagtago ang mga suspek.