2 kelot dedbol sa hit and run

By

Dalawang lalaking pedestrian ang nasawi nang mabiktima ng “hit and run” makaraang mabunggo ng rumaragasang sasakyan habang tumatawid sa kahabaan ng Northbound lane ng Roxas Blvd. Barangay, Baclaran Parañaque City kahapon ng madaling-araw.

Agad isinugod ng mga bystanders sa San Juan De Dios Hospital ang hindi pa nakikilalang mga biktima subalit hindi na umabot nang buhay sanhi ng matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Inilarawan ng mga awtoridad ang mga biktima na ang edad ay nasa 30 hanggang 35, katamtaman ang mga pangangatawan, ang isa ay nakasuot ng kulay asul na polo shirt at brown na short pants habang ang isa pang lalaki ay nakasuot ng kulay puting t-shirt at maong pants

Sa pagsisiyasat ng Pa­rañaque City Traffic Bureau, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Northbound lane ng Roxas Blvd. Brgy. Bac­laran ng nasabing lungsod­.

Walang maka­pagsabi sa plaka ng sasakayan na nakabunggo sa dalawang biktima dahil sa bukod sa madilim sa lugar ay mabilis ang takbo ng sasakyan.

Sa pagsisiyasat, ta­nging bumper ng sasak­yan na nakabundol ang naiwan sa lugar.

Isa naman sa mga biktima ay may identification card (ID) ngunit aalamin pa kung ito ay sa kanya.