2 humandusay sa anti-drug operations

By

Dumanak ng dugo ang ilang anti-drug operation na ikinasa kamakalawa ng gabi ng mga operatiba ng pulisya sa Caloocan City.

Dalawa umanong drug personalities ang napatay ng mga alagad ng batas sa kanilang magkahiwalay na anti-illegal drug operation sa nasabing lungsod.

Sa ulat ni Dir. Chief Supt. Roberto Fajardo ng Northern Police District-District Drug Enforcement Unit (NPD -DDEU), ganap umanong alas-11:30 ng gabi nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng nasabing himpilan.

Target umano ng operasyon si Frank Bernas alyas ‘Boy Komang’, 37-anyos, ng 3rd Avenue, Barangay 118 ng nasabing lungsod kung saan ay si PO2 Aldrin Engracia ang nagsilbing police poseur buyer ngunit nang magkaabutan ng plastic sachet ng shabu kapalit ng P200 na marked money ay nakatunog ang mga kasamahan ni Bernas at nagtakbuhan.

Doon umano bumunot ng baril si Bernas na agad din namang nagantihan ng mga alagad ng batas kaya tumimbuwang ito.

Samantala, alas-sais pasado ng gabi nang mapatay din ng mga elemento ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5 sa one-time-big-time operation sa Barangay 171, Bagumbong ng nasabing lungsod ang isa pang ‘Michael Golden’ na umano’y notorious na tulak ng ipinagbabawal na gamot sa lugar.