10 MINUTONG DUWELO KAY KAMATAYAN

By

Hindi huminto, hind­i sumuko, sa halip ay walang takot na kumas­a at 10 minutong nakipag­barilan hanggang sa kanilang kamatayan ang dalawang kalalakihan na hinihinalang miyembro ng “motorcycle riding-in-tandem criminals” sa mga pulis na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa report ni Senior Supt. Marion Balolong, hepe ng Las Piñas City Police dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insident­e sa kahabaan ng C5 Road Extension, Barangay Manuyo 2 ng naturang lungsod.

Ayon kay Balolong, nagsasagawa ang kanyang mga tauhan ng ‘Oplan Sita’ sa mga motoristang dumaraan sa naturang lugar at hindi ito pinansin ng dalawan­g suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo na walang plaka na kanilang pinaharurot.

Dahilan upang habu­lin ito ng mga pulis na humantong sa barilan.

Sa 10 minutong palitan ng putok, nagresulta ito ng agarang kamataya­n ng mga suspek at na-recover sa kanila ang isang kalibre .38 baril at isang supot na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Patuloy naman na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente habang inaalam naman ang mga pagka­kilanalan ng mga nasawi.

Ang mga labi ng suspek ay inilagak sa Peoples Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.